wala naman akong balat sa puwet ah!
Iba talaga pag pinagtripan ka ng pagkakataon. Nakakaloka. Nakakapraning. Nakakajabar. Sangkatutak kasi na kamalasan ang naranasan ko nung monday. Kahit na pinaghandaan ko naman yung araw na yun, pinaulanan pa rin ako ng kamalasan ng pagkakataon.
Dahil nag-announce na ng transport strike ang piston, maaga talaga akong pumunta ng UP para magpasa ng final requirement ng nag-iisa kong summer class. 8 am, pumunta na kagad ako ng skul. Pagdating ko sa SC (shopping center) ng UP, pumunta kagad ako sa internet shop kung saan ko ipapaburn yung dvd na ipapasa ko as final requirement. Pagkabigay ko ng file, lumabas muna ako para mag-wtihdraw dahil hindi na kasya yung pera ko pambayad dun sa pina-burn ko. Sa tabi lang ng SC yung PNB, so dun ako pumunta. Di pa ko nakakalapit nang makita ko ang napakalaking papel na may nakalagay na “OFFLINE”.
So, nag-isip kagad ako ng next na gagawin, sumakay ako ng Katipunan na jip na iikot dun sa may FC (faculty center). Meron kasing landbank dun. Pagkababa ko dun sa FC, parang may na-feel kagad akong kakaiba. Mukhang offline din sa landbank. Pero thank god, hindi offline ang landbank so pila na kagad ako. Habang nakapila, lumabas ang security guard at sinabing di daw pwede gamitin ang atm dahil sa nagha-hang ito. Nung una, di pa masyado naging malinaw para sakin yung sinabi nung guard kaya nilapitan ko siya para tanungin ulet. Ayun nga, di nga daw pwedeng gamitin kase nagha-hang yung machine. Tinanong ko siya kung meron pa bang ibang banko sa loob ng UP bukod sa Landbank at PNB. May sinabi siya, sa dulo daw ng kanto, hindi ko naman naintindihan kaya nag-decide na lang ako na lumabas ng philcoa dahil may BPI dun.
Pagdating ko ng philcoa, lakad kagad ako papuntang BPI. Buti na lang at isang babae lang yung gumagamit ng machine. Narinig ko mula sa kanya na di gumagana ang BDO sa machine na yun. Eh BDO ang atm card ko!!! Pakinangshet!!! Pero try pa rin ako, baka yung babae lang yung minalas, baka pag sakin biglang gumana. Pindot-pindot. At pagkatapos kong pindutin ang 200, TRANSACTION CANNOT PROCESS daw!! Oh no!!!
Dun na talaga ako nanghina. Parang 200 lang naman ang kelangan ko, bakit ako pinahihirapan ng ganito??!!! Pagkatalikod ko, napaharap ako sa isa pang bangko na hindi kilala kaya di ko naalala yung pangalan nung bangko. Feeling ko yun na ang magpapawi ng lahat ng pagod ko. So, tawid ako ng kalsada. Paglapit ko sa atm, nakita ko ang pinakaayaw kong papel na may nakasulat na “OFFLINE”.
Nanlumo na talaga ako. Mga 9:30 am na nun so naisip kong magpunta na lang sa isang mall. Kaso, pag lumampas ako ng alas-diyes, mahihirapan na akong sumakay ng jip papasok ng UP. Kung hindi obvious ang transport strike sa mga malalaking kalsada, totoong tigil-pasada ang mararanasan mo sa loob ng UP. Buti na lang, habang nag-iisip ako, tumambad sakin ang LANDBANK na nasa kabilang highway.
Akyat kagad ako ng overpass. Parang di ko na naramdaman na umakyat at bumaba ako ng overpass sa kakadasal na sana hindi offline sa Landbank Philcoa. Ang bilis kong naglakad! May dalawang taong nauna sakin sa pila kaya nakapagpahinga ako ng konti at nakapagpunas din ng mga tagaktak kong pawis. Nung turn ko na, nagdasal talaga ako na sana di maulit yung nangyari sa BPI. At yes! Nakapagwithdraw ako! Nang mahawakan ko ang 200, feeling ko yun ang pinakamahalaga at pinakamalaking 200 pesos na nahawakan ko!
Akyat ulet ako at baba ng overpass. Sumakay na ko ng jip papasok ng UP. Habang nasa biyahe, napansin ko na ang maraming taong naghihintay ng masasakyan sa mga waiting shed at kakaunti na lang ang mga jip na nagbbyahe. Nang magbaba nga ng mga pasahero ang jip na sinasakyan ko sa Vinzon’s, pinagsabihan ng isang mama na naka-blue ang mamang drayber na last trip na niya yun, wag na siyang magsakay at umuwi na siya ng bahay. Naku po! Mukhang tigil-pasada na sa loob ng campus ah.
Bumaba ako sa SC. Akala ko, tapos na ang kamalasan ko, hindi pa pala. Pagpasok ko ng shop, sabi ng kuya di pa raw tapos yung pinapaburn ko. Hala! Panu naman nangyari yun?! Eh one minute lang yung video presentation ko!!!!! Ang katwiran ng kuya, matagal daw mag-convert ek-ek. Alam ko yun, kaya nga iniwan ko para pagbalik ko tapos na!! Tiningnan ko pc niya, nakita ko ang elapsed time: 1:15. Aha! One minute and 15 seconds pa lang?! Kakasimula pa lang niya magburn! Badtrip ah! So, kinumpronta ko siya at tinuro ko ang ebidensya na kakasimula pa lang niyang magburn. Hayun, napahiya siya at pasensya na lang daw dahil ang dami daw ng customer, di daw niya naasikaso. At dahil nga sa wala naman na akong magagawa, umupo na lang muna ako at naghintay. Napatingin ako sa relo ko, 10:30 na. For sure, kaunti na lang ang mga jip.
Pagkakuha ko ng dvd, lumabas na ako ng SC para mag-abang ng jip. At tulad nga ng inaasahan ko, pa-isa-isa lang ang mga jip na dumadaan. Ayokong maglakad dahil sa FC ako pupunta para ipasa yung dvd. Malayo ang SC sa FC. Dulo-dulo sila kaya ayoko talagang maglakad. Kaya, naghintay ako ng Katipunan na jip o UP ikot o UP toki. Kahit alin dun, pwede na para makarating ako ng FC nang hindi papawisan ng todo. At UNFORTUNATELY, wala ng mga ganung jip na nagbibiyahe. Kaya nag-decide na lang ako na maglakad.
Inaliw ko na lang ang sarili ko habang naglalakad para di ko masyadong maramdaman ang pagod. Nagtext ako ng nagtext kay ES. Nagreklamo ako nang nagreklamo sa kanya. Habang nagrereklamo sa text kay ES, patuloy din ang pag-agos ng pawis saking katawan. At matapos ang ilang minuto, nakarating din ako ng FC. At dahil di ko dala ang id ko (naiwan ko sa feu kung saan na-confine si chingching) , dire-diretso lang ako sa pagpasok sa building. At UNFORTUNATELY, napansin ako ni manong guard. Hayun, sobrang nagmakaawa ako, kulang na lang eh maglupasay ako sa sahig para lang payagan niya akong pumasok ng building para magpasa. Bwisit kasi yung NO ID NO ENTRY na yun eh!!!! Di daw talagang pwede pumasok. Kunin ko daw muna yung id ko. Eh nasa hospital nga yung id ko, kung kukunin ko yun, lalampas na ako sa 12 pm deadline ng pagpapasa ng final requirement. Kaya yun, nagmakaawa pa ko ng mas matindi. At dahil muntik na kong umiyak, pinayagan na rin ako ni manong guard.
Naipasa ko din ang dvd. Ang saya! Mukhang tapos na ang kamalasan ko ah. Lumabas na ako ng building at nag-abang ng jip palabas ng philcoa. Kahit magdamag pa kong mag-antay ng jip dun, okay lang dahil ayokong maglakad at tapos naman na ang kelangan kong gawin. Ilang minuto ang nakalipas, nakasakay na din ako ng jip. Hay salamat. Pwede na kong magpahinga.
Habang ini-enjoy ko ang pagpapahinga sa loob ng jip, biglang bumagsak ang malakas na ulan! OH NO! Wala akong dalang payong dahil in-expect kong makakauwi ako ng maaga at di na aabutan ng ulan. Wala na rin akong pera pambili ng payong. OH NO TALAGA!!
Hayun, umuwi akong basang-sisiw.





The Twelve Months